Maagang pinaghahanda ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang lahat ng mga police unit kung matuloy sa Abril ang pagbabakuna ng mga batang apat na taong gulang pababa.
Ayon sa PNP chief, kailangan masiguro ng mga police ang crowd control sa inaasahang malaking bilang ng mga magtutungo sa vaccination centers dahil kasama ng mga bata ang kanilang mga magulang.
Ngayon pa lang aniya ay kailangan makipag-coordinate na sa kani-kanilang mga LGU ang mga pulis.
Umaasa naman si Gen. Carlos na magkakaroon ng maayos na scheduling para hindi magkasabay sabay ang mga bata at ang mga matatanda na nagpapa-booster shot para hindi mag-overcrowding ang mga naghihintay na mabakunahan.
Tiniyak naman ni Gen. Carlos na sa oras na magbigay ng go-signal ang pamahalaan sa pagbabakuna ng mga bata, nakahanda ang PNP na siguraduhing masusunod ang minimum public health standards sa mga vaccination centers.