DAVAO CITY – All set na ang Police Regional Office XI sa seguridad na ipapatupad para sa Alveo Ironman 70.3 Davao na magsisimula ngayong araw hanggang sa Linggo.
Ayon kay PROXI Spokesperson Police Major Atty. Eudisan Gultiano, aprubado na ng Camp Crame ang region-wide suspension ng PTCFOR o Application for Permit to transport firearms and ammunition, at ang pagbili ng armas sa loob ng rehiyon XI ay mahigpit muna na ipinagbabawal mula Marso 20 hanggang 31.
Kasama rin sa security protocols na ipapatupad, ang pagban ng pagpapalipad ng drone malapit sa rota ng Triathlon race.
Sa kabilang dako ay plantsado na rin ang koordinasyon ng Davao City Transport and Traffic Management Office sa mga LGU’s, business establishment at residente na maapektuhan sa mahigit sampung oras na road closure na ipapatupad.
Sa katuyanan ay naglabas na rin ng road closure advisory and alternative route ang Tagum City, Davao del Norte. Nasa tatlong bus naman ang itinalaga ng Davao LGU upang masakyan ng mga examinees sa Civil Service Exam ngayong araw ng linggo na posibleng maipit sa traffic.
Paalala ni CTTMO head Dionisio Abude sa mga residente malapit sa race route, na itali ng mabuti ang mga alagang hayop kagaya ng aso at pusa upang hindi ito magpagala-gala sa rota na dadaanan ng triathlon participants.
Tinatayang nasa limang libo na security personnel ang itatalaga ng PROXI kasama ng ibang security cluster sa lungsod upang maseguro ang zero incident sa event na sasalihan ng 1800 participants mula sa 49 na bansa.