BAGUIO CITY – Hinigpitan na ang seguridad sa paligid at loob ng Baguio City Hall laban sa posibleng epekto ng death threats na natatanggap ni Mayor Benjamin Magalong na nagsalita laban sa umano’y “ninja cops” ng Philippine National Police (PNP).
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Martin Dominador, security supervisor ng city hall, may basbas mula sa Office of the City Administrator ang precautionary measures para sa mga empelyado at residente ng Baguio City.
Plano ng lokal na pamahalaan na magdagdag ng security personnel at K-9 units sa paligid ng gusali.
Tiniyak naman ni City Administrator Bonifacio dela Pena na normal pa rin ang sitwasyon ng siyudad.
Nanawagan din ito sa mga residente na makiisa sa mga hakbang ng local government para sa seguridad.
Inamin ni Magalong kamakailan na may mga natanggap siyang death threat nang tumestigo sa Senate inquiry.
Si Magalong ang dating hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group nang mangyari ang kontrobersyal na drug raid sa Pampanga.