-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hinigpitan pa ang seguridad na ipinapatupad sa bahay ng mga Diaz sa Barangay Mampang, Zamboanga City.

Ito ang inihayag ni Councilor Bong Atilano, Former coach ni Hidilyn Diaz sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Aminado si Atilano na sa ngayon ay napakarami nang premyo na matatanggap ang Tokyo 2020 Olympic Gold medalist na si Diaz kaya’t malaki ang posibilidad na manghihingi ang mga armadong grupo o sinumang may masamang intensiyon sa kanilang pamilya.

Ayon pa sa konsehal, pinaghahandaan na rin ng lokal na gobyerno ng Zamboanga City ang seguridad ng gold medalist sa pag-uwi nito sa kanilang bahay sa Barangay Mangpang, Zamboanga City.

Ibinahagi pa nito na bago paman ang Tokyo Olympics, hinihingan na ng ilang ‘di pinangalanang grupo ang atleta partikular noong taong 2016 kung saan silver medal pa si Hidilyn.

Dahil dito, naglagay na ng detachment ang pulisya malapit sa bahay ng mga Diaz kung saan may mga nakabantay na mga pulis para sa seguridad at proteksyon ng pamilya ni Hidilyn.