CENTRAL MINDANAO – Hinigpitan pa ang seguridad sa pagdiriwang ng founding anniversary ng bayan ng Kabacan, Cotabato.
Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., na kuwento ng bawat Kabakeño ang dalang mensahe ng tema ngayong buwan ng pagkakatatag ng bayan.
Ang tinutukoy na tema ay “Kabacan @ 72: Kuwento ng Kahapon, Unlad Kabacan Ngayon.”
Aniya, maraming pinagdaanan ang bayan bago nito nakamit ang natatamasa nitong mga pagkilala.
Kuwento ng alkalde, hindi nito inakalang susuportahan ng taongbayan ang mga programa nito.
Nais lamang umanong ipakita nito ang kakayahan ng pamahalaang lokal ng Kabacan na magdala ng kaunlaran sa bawat buhay ng kabakeño.
Kaugnay nito, inaasahan ng alkalde na mas magiging makulay ang mga kuwentong mabubuo sa bayan sa pagdiriwang nito ng ika-pitompot dalawang taon ng pagkakatatag at kasabay na ang dalawang dekadang selebrasyon ng Kapagayan Festival.
Matatandaang bago pa nakilala ang bayan ng Kabacan na isa sa mga bayan sa lalawigan ng Cotabato na mabilis ang pag-usad sa larangan ng ekonomiya, imprastraktura, turismo, at peace and order, hindi lingid na kilala rin ang bayan sa negatibo nitong aspeto.
Hindi umano madali ang mga pinagdaanang pagsubok ng bawat Kabakeño na makamit ang mas maunlad na Kabacan, kung kaya ay dapat umanong mas pag-ibayuhin pa ng bawat isa ang suporta nito sa pamahalaan at magsilbing aral sa bawat kabakeño ang leksyon ng kahapon.
Samantala, inilahad din ng alkalde na nais nitong mas makilala pa ang bayan sa buong Pilipinas na maunlad at kaaya-aya, kung kaya’t hinimok nito ang bawat isa na saksihan ang mga inihandang aktibidad sa darating na isang lingong selebrasyon ng pagkakatatag ng bayan.
Hinimok din nito ang lahat na ikuwento sa mga kakilala ang mas maunlad na Kabacan ngayon.
Isasagawa ang Founding Anniversary sa mismong araw ng pagkakatatag ng bayan, adese-otso ng Agosto at habang magsisimula naman ang pagdiriwang Agosto adose.