KALIBO, Aklan – Upang lalo pang mapaigting ang police visibility sa Boracay, nagtayo ang Police Regional Office (PRO-6) ng Boracay Operation Command Center at naglagay ng 25 security cameras sa iba’t-ibang lugar sa isla.
Ayon kay Brigadier General Rene Pamuspusan, regional director ng PRO-6, bago buksan ang isla sa mga lokal na turista mula sa Western Visayas noong Hunyo 16 ay isinailalim sa mga pagsasanay ang mga tauhan ng Malay Police Station para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols.
May mga limitasyon aniya sa paliligo sa dagat upang matiyak na masusunod ang physical distancing.
Kailangang sa mga itinakdang swimming area lamang maaaring maligo at dapat munang magpa-rehistro upang mabantayan ang bilang ng maaaring maligo o lumangoy nang magkakasabay.
Bawal din ang mga domestic tourists na 21 anyos pababa at 59 anyos pataas na itinuturing na pinaka-vulnerable sa coronavirus disease o COVID-19.
Ang lahat ng mga turistang pumapasok sa isla ay obligadong mag-fill-up ng health declaration card para sa mabilis na contact tracing.
Naka-alerto na din umano ang pulisya para sa selebrasyon ng kapiyestahan ni San Juan de Bautista bukas, Hunyo 24.