-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mas hinigpitan pa ng 6th Infantry Division (6ID), Philippine Army ang kanilang seguridad sa area ng Central Mindanao dahil sa sunod-sunod na presensiya ng mga lawless group sa lugar.

Ito’y matapos napatay ng mga sundalo ang dalawa umanong mga miyembro ng ISIS-inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa nangyaring sagupaan sa lalawigan ng Maguindanao.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Koronadal, nagsasagawa ng patrolya ang mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion nang nakita nila ang tatlong kahina-hinalang mga tao na nakasakay sa motor sa bahagi ng Brgy. Tuka, Mamasapano, Maguindanao.

Una umanong nagpaputok ng armas ang mga suspetsado matapos sinita ng mga sundalo dahilan na gumanti ang mga ito.

Nasawi naman ang dalawang kasamahan ng lawless group habang tumakas naman ang mga kasamahan nito.

Inalerto naman ni 6ID commander Major General Cirilito Sobejana ang mga tropa matapos ang nangyaring engkwentro.