DAVAO CITY – Lalo pang hinigpitan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP – Davao ang seguridad ng Francisco Bangoy International Airport matapos ang nangyaring suicide bombing sa Sulu.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Task Force Davao, Public Safety and Security Command Center at ng iba pang mga ahensya.
Sinabi ni Airport Manager Rex Obcena na hindi pakukumpiyansa ang CAAP lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero kasama na ang mga lokal at mga banyagang turista na pumapasok at lumalabas sa nasabing paliparan.
Dagdag pa ni Obcena, matapos ang nangyaring suicide bombing sa Sulu, ipinatupad agad ng CAAP ang pagkasa ng alert level status sa seguridad ng nasabing paliparan.
Dagdag pa nito na kahit ang CAAP ang nangungunang ahensiya sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa airport, iniligay parin ang mga dagdag na security forces para masiguro na walang mangyayaring terror attack o kahit na anumang hindi magandang pangyayari sa bisinidad ng paliparan.
Una nang sinabi ni Mayor Inday Sara Duterte na nais niyang ipatupad ang security measure sa Davao Airport gaya ng pagpapatupad ng bansang Singapore sa seguridad ng kanilang paliparan.