(Update) LEGAZPI CITY – Hindi umano nalalayo ang posibilidad na mapabilang rin sa mga lugar na maigting na babantayan ng pulisya at militar ang lungsod ng Legazpi para sa nalalapit na halalan, matapos ang pagpaslang sa tumatakbong city councilor.
Una nang napatay sa ambush ang dating police official na si ret. Col. Ramiro Bausa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Infantry Division Philippine Army spokesperson Col. Paul Regencia, sinabi nito na dalawang anggulo ang tinitingnan sa naturang krimen partikular na ang insurhensiya at politika na pasok rin sa mga kategorya upang mailagay ang isang lugar sa election watchlist o hotspot.
Handa namang maglatag ng karagdagang pwersa ang militar subalit nasa Commission on Elections (Comelec) pa rin ang desisyon bilang lead agency.
Maghihintay na lamang umano ng direktiba at iba pang kautusan ang opisyal sa naturang usapin.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga nasa election watchlist areas sa Bicol ang dalawang bayan sa Masbate; Daraga, Albay; gayundin ang bayan ng Lupi at Siruma sa Camarines Sur.
Una rito, kahapon nang pagbabarilin ang dating provincial director ng Camarines Sur Police Provincial Office sa Brgy. Cagbacong na isang malayong barangay sa Legazpi.
Si Bausa ay graduate ng Philippine National Police Academy Batch ’87 at nagretiro sa serbisyo noon lamang taong 2017.
Samantala kahapon naman ng umaga, naitala ang engkwentro sa Pilar, Sorsogon na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) rebels.