-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hinigpitan ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao matapos na mapigilang makapaminsala sa mga dumaraang motorista ang isang IED na gawa mula sa 81mm mortar at dalawang RPG Projectiles.

Ito ay matapos na marekober at ma-disrupt ng 32nd Explosive Ordnance Disposal Team sa national highway sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao noong nakaraang araw.

Pansamantala rin na isinara ang national highway matapos madiskubre ang nasabing IED na pinaniniwalaang kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ayon kay 6th ID Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy, una na ring nagbanta ang BIFF na maglulunsad sila nang pambobomba sa Central Mindanao.

Sa ngayon, nakikipagtulungan na ang Shariff Aguak PNP sa military upang mas mapanatiling mapayapa ang bayan ng Shariff Aguak at matukoy kung sino nga ba ang totoong nasa likod ng pagtatanim ng IED.