DAVAO CITY – Naglatag nang mahigpit na seguridad ang Presidential Security Group (PSG) kaugnay sa ginawang pagboto nitong hapon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) sa Aplaya Road, Matina Crossing sa lungsod.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang dumating ang Pangulo sa Precinct number 1245A, Cluster 361 sa nasabing paaralan kasama ang kanyang live-in partner na si Honeylet.
Una nang nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PSG sa pamunuan ng paaralan noon pang nakaraang linggo bilang paghahanda sa ipapatupad na seguridad sa lugar.
Maliban sa mga CCTV cameras hiniling ng mga PSG sa school administrator na kung maaari ay si Pangulong Duterte lamang ang mag-isang boboto sa isang silid-aralan para hindi sila mahihirapan na kontrolin ang mga tao sa lugar.
Makikita naman na iilan lamang ang kasabay na mga botante ng chief executive sa nasabing presinto.
Napansin din na may dalang kodigo ang Presidente habang bomoboto.
Wala namang naging aberya sa VCM na ginamit sa paaralan.
Samantala, kulang-kulang ng 30 minutos nang matapos ang Pangulo sa pagboto pero pinagkaguluhan muna ito ay nagkaroon ng photo op sa loob ng presinto.
Kabilang sa mga nagpakuha ng larawan ay ang mga miyembro ng BEIs.
Una na ring sinabi ni Col. Alexander Tagum, direktor ng Davao City Police Office (DCPO) na handa silang magdagdag ng mga tauhan na ide-deploy sa palibot ng paaralan.