-- Advertisements --
image 121

KALIBO, Aklan—Puspusan na ang paghahanda at pagsapinal ng Aklan provincial government at Malay Tourism Office sa kanilang paghahanda sa muling pagdaong ng high-end cruise ship na MS Seabourn Encore sakay ang nasa 400 European tourist at 200 crew members na nakatakdang dumating sa Pebero 13, 2023 sa isla ng Boracay.

Ayon kay Mr. Nieven Maquirang, executive assistant V ng Office of the Governor, ito aniya ang unang cruise ship na dadaong sa Boracay matapos ang halos dalawang taon na pandemya.

Kaugnay nito, upang matiyak na walang magiging aberya sa arrival ng mga bisita ay isang stakeholders orientation at final meeting ang ginanap na dinaluhan ng round committee ng gobyerno probinsyal.

Ilan sa mga naka-skedyul na aktibidad ng mga dayuhang turista ay ang pagbisita sa Motag living museum sa mainland Malay; Island hopping at ang paglilibot ng mga ito sa mga tiangge (market) kung saan makikita at mabibili ang mga iba’t ibang souvenirs na karamihan ay gawa mismo ng mga tumandok o residente ng Boracay.

Tatagal ang mga turista sa isla ng Boracay sa loob ng walong oras.

Kinumpirma din ni Maquirang na base sa kanilang record ay nasa 18 mga cruise ships ang inaasahan na dadaong sa Boracay ngayong taon sakay ng mga ito ang nasa 500-1000 na turista.