-- Advertisements --

Muling isinusulong ni Senadora Loren Legarda ang food security o seguridad sa pagkain kasunod ng mga ulat ng pagtaas ng hunger rate sa Pilipinas.

Ikinabahala ni Legarda ang ulat na nagpapakita ng pagtaas ng antas ng kagutuman sa mga Pilipino sa buong bansa, na sinasabing pinakamataas mula nang magsimula ang COVID-19 noong 2020.

Ayon sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS), Enero 14, 25.9% ng mga Pilipino ang nagsabing nakararanas sila ng gutom isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagkagutom na pumalo sa 30.3%, na sinundan ng Luzon sa 25.3%, Visayas na nagtala ng 24.4%, at Metro Manila sa 22.2%.

Dahil sa lumalalang isyu ukol sa seguridad sa pagkain sa bansa, muling ipinahayag ni Legarda ang kanyang pangako na patuloy na maglulunsad ng mga programa na naglalayong tugunan ang kakulangan sa pagkain at isulong ang ‘sustainable’ na sistema ng pagkain.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ‘whole-of-government approach’ upang matiyak ang mas malawak na access ng mga Pilipino sa masustansiyang pagkain at mabawasan ang pagkaaksaya nito.