Mas lalong hinigpitan ng Egyptian Security Forces ang seguridad sa paligid ng Giza Pyramids matapos ang naganap na pagsabog ng isang tourist bus na halos 12 katao ang nagtamo ng sugat.
May lulan umano na 25 South African tourists ang nasabing bus na nagmula pa sa airport.
Ayon sa pagsisiyasat ng security and judicial sources, isang rudimentary device na may lamang mga pako at pira-pirasong metal ang ginamit sa pagsaog ilang metro lang ang layo sa Grand Egyptian Museum.
Kinumpirma naman ng South Africa foreign ministry na tatlong South African citizens ang mananatili sa ospital upang mabantayan ng mabuti ang kalagayan.
Sa mga litratong ibinahagi sa social media, makikita ang mga basag na bintana ng bus pati na rin ang mga nagkalat na debris sa kalsada.
Nakatakdang buksan sa publiko sa susunod na taon ang nasabing museo kung saan dito matatagpuan ang mga antigong gamit ng Egyptian history. Isa ito sa kanilang naisip para muling ibalik ang magandang turismo sa bansa kasunod ang pagbagsak ng tourist rate nito matapos ang pagpapasabog sa isang Russian passenger jet noong 2015.
Ayon sa Antiquities Ministry, nasa maayos na kalagayan pa rin ang museo sa kabila ng lakas ng pagsabog.