-- Advertisements --

FORT DEL PILAR, Baguio City – Nagpatupad ng security adjustment ang pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) para matiyak ang seguridad para sa alumni homecoming ngayong araw sa lungsod ng Baguio.

Nasa 6,000 na mga PMA alumni, kasama ang kanilang mga kamag-anak at mga bisita ang inaasahang dadalo.

Ayon kay PMA Spokesperson Col. Harry Ballaga, nailatag na nila ang traffic scheme at nagdagdag sila ng mas maraming parking space sa loob ng PMA nang sa gayon at ma-accomodate ang lahat ng bisita.

Mas maghihigpit naman ng seguridad ang PMA kasunod nang nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu kamakailan.

Sinabi ni Ballaga, ayaw nilang may mangyari sa loob ng academy kaya may mga adjustment sa security.

Sa kabilang dako, dahil sa nagsimula na ang campaign period, naghigpit ngayon ang pamunuan ng PMA Alumni Association, lalo na sa mga adopted mistah ng mga alumni, na sumama sa parada sa Borromeo field.

Ang mga cavaliers naman na tumatakbo sa halalan mahigpit na pina-aalalahanan na huwag gumawa ng mga eksena na may kaugnayan sa election.

Bawal ding magsabit ng mga campaign posters sa labas at loob ng akademya.