Hinigpitan na ang ipinapairal na seguridad sa US capitol ilang oras bago ang huling araw ng pagboto para sa 2024 US Presidential elections nitong Martes, Nobiyembre 5, oras sa Amerika.
Kaugnay nito, nag-install na ng mataas na bakod sa capital city na Washington, D.C.
Inorganisa na rin ang mga election watch parties sa buong estado.
Una na ng bumoto ang nasa mahigit 77 milyong mamamayang botante ng Amerika sa early voting sa pamamagitan ng mail habang ang iba naman ay in-person.
Samantala, inaasahan naman na magiging makasaysaysan ang halalan sa Amerika ngayong taon sinuman ang manalo sa pagitan ng 2 presidential candidates na sina US VP Kamala Harris at dating US President Donald Trump.
Kung sakali mang manalo si Harris, siya ang magiging kauna-unahang babaeng Presidente sa kasaysayan ng Amerika. Siya rin ang magiging unang Black woman at may South Asian descent na uupo sa pinakamataas na posisyon sa White House.
Sakali namang muling mahalal na Pangulo si Trump, kakaibang historical accomplishment naman ito kung nagkataon dahil siya ang magiging kauna-unahang Pangulo ng Amerika na convicted sa felony.
Matatandaan na nahatulang guilty ang dating Pangulo sa 34 na bilang ng felony para sa hush money case 5 buwan na ang nakakalipas. Kasalukuyan ding humaharap si Trump ng iba pang felony charges sa 2 hiwalay na criminal cases.