-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Matapos na mabitin sa pag-videoke, isang pasaway na security guard ang inaresto ng mga tauhan ng Malay Municipal Police Station nang makailang beses na nagpaputok ng baril sa labas ng kanilang boarding house sa Sitio Logutan, Brgy. Manocmanoc, Boracay.

Kinilala ang suspek na si Marvin Esteves, 32, residente ng Brgy. Angas, Batan, at pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.

Base sa report, nagalit umano ang sekyu nang sawayin ng kanyang landlord na si Arnoldo Arizala na itigil na ang kanilang pag-videoke dahil nakakadisturbo na sa mga kapitbahay.

Nagalit umano ang suspek at pinaputok ng ilang beses ang kanyang baril.

Sa pag-responde ng pulisya, agad na dinisarmahan si Esteves ng kanyang .38 revolver na may apat na bala.

Si Esteves ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.