CENTRAL MINDANAO – Simple at makabuluhan ang pagdiriwang ng ika-106 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lalawigan ng North Cotabato.
Bahagi nito ang paglagda ni Governor Nancy Catamco ng isang executive order na pinangalanang Provincial Council for Priority Development Response (PCPDR) na tututok sa problemang kinakaharap ng lalawigan ngayon sa gitna ng banta dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang mensahe sinabi ng gobernadora na saklaw ng kautusang ito ang pagpapaigting ng programa para sa malinis na inuming tubig, pagpapalago ng produksyon sa agrikuktura, pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at proyektong pabahay.
Sinabi ni Catamco na sa harap ng krisis, “kailangang magkaroon ng komprehesibong plano at pamamaraan upang makabangon ang ekonomiya at makatiyak na magkaroon ng sapat na pagkain sa mesa ng bawat mamamayan.”
Ginawang simple ang pagdiriwang dahil sa hamon na kinakaharap ng mundo, ang pandemya ng COVID-19.
“Dahil sa mga ito, kinakailangang nating bigyan ng pangunahing pansin ang paglutas sa mga pagsubok na kinakaharap ng ating probinsya,” paliwanag ng gobernador.
Una nang nagkaroon ng serye ng paglunsad ng “Taniman 106,” nitong nakalipas na Agosto 29, 30 at 31 sa bayan ng Alamada, M’lang at Magpet bilang hudyat ng pagsulong ng Food Security Program ng probinsya.
Dumalo sa pagdiriwang si 3rd district Rep. Jose “Pingping” Tejada, BM Krista Piñol Solis, BM Philbert Malaluan, BM Onofre Respicio, Antipas Vice Mayor Chris Cadungon, President Roxas Mayor Jonathan Mahimpit, Midsayap Mayor Romeo Araña, Aleosan Mayor Vicente Sorupia, Libungan Mayor Amping Cuan, M’lang Mayor Russel Abonado, Alamada Mayor Jesus Sacdalan, Tulunan Mayor Reuel “Pip” Limbongan, B/Gen Roberto Capulong, 602nd BDE Commander, Col. Potenciano Icamba, 1002nd commander BDE, mga kinatawan ng ahensya ng pamahalaan at mga pinuno ng departamento ng pamahalaang probinsya.