-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Naging matagumpay ang selebrasyon ng kapistahan ni Sr. Sto. Niño at ang Halad Festival 2021 sa Midsayap, Cotabato.

Ginanap ang Halad Festival 2021 New Normal Program sa Notre Dame of Midsayap College o NDMC Campus.

Naging limitado lang ang mga bisita sa programa dulot ng nagpapatuloy na pandemiya sa Covid-19.

Sa naturang programa ay nagbigay sigla sa mga dumalo ang Halad Zumba-saya.

Ipinaramdam naman sa mga mamamayan ang selebrasyon ng Halad Festival ngayong taon sa pamamagitan ng Halad Drums and Beats kung saan naglibot sa bayan ang grupo ng mga Midsayap Drumbeaters.

Ayon kay Mayor Romeo Araña, magpapatuloy ang selebrasyon ng kapistahan sa bayan ng may pag-iingat at maging limitado lamang kasama ang pamilya at mahal sa buhay.

Sa pahayag ni Vice Mayor Manuel Rabara, kahit pa man hindi ganoon karami ang tao na dumalo sa selebrasyon at hindi din ganoon kaabala ang daan tulad ng nakagawian, ang importante ay ang ating pananampalataya sa buong maykapal.

Para naman kay Mark Ferven Avance, Sangguniang Kabataan Municipal Federation President, buo ang suporta ng sektor ng mga kabataan sa Midsayap sa mga aktibidad ng Halad Festival ngayong new normal season.

Sa ngayon, ilang aktibidad pa ng Halad Festival 2021 ang nagpapatuloy kung saan ginawa ang karamihan sa mga ito online o digital.

Tema ng selebrasyon ngayong taon ay ‘Sto. Niño: Gasa sa Katawhan aron Ipaambit Ngadto sa Uban’.