CENTRAL MINDANAO-Kasabay sa pagbuhos ng ulan, bumuhos din ang mabungang pagpupulong ng mga Municipal Heads sa pangunguna ni Kabacan Cotabato Municipal Mayor Evangeline Pascua-Guzman.
Ilan sa kanilang pinag-usapan ang nalalapit sa kapistahan sa bayan. Ayon kay Mayor Gelyn, dalawang taong hindi naging maingay ang piyesta ng Kabacan at ngayong taon ay gagawin ang lahat upang maisagawa ang ika-75th Founding Anniversary ng Kabacan.
Sinabay din dito ang pakiusap sa mga sektor na mababa ang vaccination rate na kailangang pagsikapan na mapataas para mas masaya ang nasabing aktibidad.
Suhestyon naman ni MHO Dr. Sofronio T. Edu, Jr. na kung maaari ay maglagay ng covid-19 vaccination marshall upang masiguro na ang mga dumadalo ay bakunado at sinusunod ang health protocol.
Kanila ring binigyang pansin ang usapin ng drainage na ayon kay Mun.Engineer Noel Agor, patuloy nilang sinusuyod ang mga kanal ng bayan upang makita at malaman ang sitwasyon. Ibinalita din nito ang isang magandang proyekto na dapat abangan ng marami para sa usapin ng drainage.
Sa huli, patuloy ang paghihikayat ni Mayor Gelyn sa mga Municipal Heads na kailangang iprioritize ang serbisyo para sa publiko at unahin ang bayan tulad ng sinumpaan ng isang lingkod bayan.