Nakwestyon sa nagpapatuloy na Senate hearing ng GCTA law ang integridad ng kampanya kontra iligal na droga ng Philippine National Police (PNP).
Ibinulgar kasi ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang umano’y pagkakasangkot ng kasalukuyang PNP chief police Gen. Oscar Albayalde sa sinasabing recycling ng illegal drugs ng mga tinaguriang “ninja cops.”
Ayon kay Magalong, si Albayalde ang utak ng hindi tuluyang pagsibak sa 13 pulis Pampanga na responsibilidad sa pagtakas ng high profile Chinese drug suspect na si Johnson Lee noong 2013.
Naaresto sa isang buy bust operation sa Mexico, Pampanga noon si Lee, kung saan kasama nitong nadakip ang nasa 200-kilo o higit P600-milyong halaga ng shabu. May P10-milyong cash din umanong nakuha sa operasyon.
Sa kabila nito, natukoy na pinatakas ng pulisya ang suspek matapos silang suhulan ng P50-milyon.
Sinibak naman sa pwesto ang noo’y hepe ng Pampanga Provincial Police Office na si Albayalde.
Bagamat may dismissal order noong 2014 para sa mga sangkot na pulis, hindi ito naipatupad hanggang umupo bilang regional director ng PNP Central Luzon ang ngayo’y PDEA director general Aaron Aquino.
Pero ayon kay Magalong, pinressure ni Albayalde si Aquino na huwag ituloy ang dismissal dahil tiyak na sasabit ito sa kasong isinampa laban sa mga pulis.
Sa Huwebes muling didinggin ng Blue Ribbon Committee ang issue at inaasahang lulutang pa ang mga bagong witness kaugnay ng kontrobersya sa mga ninja cops.