-- Advertisements --

Agad nagpaliwanag ang Department of Justice (DoJ) kung bakit tinanggal na sa witness protection program (WPP) ang self confessed druglord na si Kerwin Espinosa.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ito ay dahil na rin umano sa ilang beses na paglabag ni Espinosa habang nasa ilalim ito ng programa.

Kasama na rito ang smuggling, extortion at ang plano nitong pagtakas habang nakaditine sa pasilidad ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kabilang daw sa pinakahuling ginawa ni Espinosa ang pangha-harass ng iba pang inmates, smuggling ng mga kontrabando, pag-inom ng alak at ang pangingikil ng pera sa iba pang inmates.

Maliban dito, inakusahan din ang drug lord nang paglabag sa curfew hours at ang pagbisita sa pasilidad ng iba pang inmates kahit na mayroon na itong warning.

Nakikipag-ugnayan din umano ito sa iba pang inmates na mayroong drug cases at paggamit nito ng mobile phones at bladed weapons na ipinagbabawal sa loob ng detention facility.

Kasama sa mga tinanggal sa programa ang asawa at mga anak ni Kerwin.

Sa isang sulat na may petsang Enero 31, sinabi ni Guevarra na dahil tinanggal na ito sa WPP ay tinanggalan na rin siya ng security at benefit program.

Kung maalala, noong Enero 13 tinangka ni Espinosa at dalawa nitong kasamahan na tumakas.

Apat na araw matapos ang insidente ay agad nang inirekomenda ng DoJ na tanggalin ito sa witness protection coverage.

Kasunod nito, hiniling din ng NBI na mailipat si Espinosa sa ibang detention facility pero sinabi ng DoJ na ang korte ang magdedesison dito.

Taong 2016 nang ipinasakamay ang drug lord sa NBI habang dinidinig ang ilang kaso nitong may kaugnayan sa iligal na droga.