-- Advertisements --
switzerland covid

BAGUIO CITY – Inilarawan ng isang Pinoy na naninirahan ngayon sa Geneva, Switzerland na “real” at “strictest sense” ang umiiral doon na total lockdown at community quarantine na magtatapos sa April 19.

Sa ulat sa Bombo Radyo ni Bombo international correspondent Engr. Leandro Yangot Jr., makikita ang self-discipline ng mga mamamayan ng Switzerland dahil sa pagtalima ng mga ito sa lahat ng mga inilabas na protocols ng kanilang pamahalaan para sa community quarantine.

Hindi na aniya kailangan ang mga pulis at militar sa pagpapatupad ng mga nasabing protocols.

Inilarawan niyang naka-home quarantine lahat ng mga tao doon habang mga negosyo lamang na nagbibigay ng essential goods ang nakabukas at dahil sarado aniya lahat ng mga opisina kasama ang mga public utility companies ay excused ang mga tao sa hindi pagbayad ng mga electric at internet bills.

Dinagdag ni Yangot na lumalabas lamang ang mga tao doon para bumili ng pagkain at gamot o kaya ay may emergency.

Wala rin aniyang panic buying at walang pagbibigay ng relief foods dahil sapat aniya ang suplay ng pagkain doon.

Inoobserbahan din sa mga pamilihan ang higit dalawang metrong distansiya ng mga kustomer at bago sila pumasok ay maghuhugas sila ng kamay gamit ng alkohol para hindi makontamina ang mga produkto.

Naglaan na rin aniya ang gobyerno ng Switzerland ng pondo bilang tulong pinansiyal sa mga mamamayan ng bansa lalo na at aabot sa 16% ng workforce doon ang nagtatrabaho sa bawas na oras.

Sa ngayon, ika-siyam ang Switzerland sa may pinakamaraming kaso ng positibong COVID-19 na umabot ng higit 16,000 at nasawing aabot sa 400.