-- Advertisements --

Hinimok ni Infrawatch PH convenor Atty. Terry Ridon ang Department of Justice (DOJ) at Securities and Exchange Commission (SEC) na habulin at panagutin ang Rhema International Livelihood Foundation Inc, ang self-proclaimed “donor” ng Kapa Ministry International Inc.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ridon na sangkot ang Rhema sa tinatawag na “squatting syndicates” sa paggamit ng mga pekeng land titles.

Sinabi ni Ridon, na dating chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), 2012 pa nang inalerto ang mga ahensya ng pamahalaan hinggil sa mga pekeng land titles na ginagamit ng Rhema para makakuha ng mga customers sa kanilang housing scam.

Iginiit ni Ridon na kailangan na ring sampahan kaso ng DOJ ang Rhema katulad ng ginawa sa Kapa.

Nauna nang naghain ng 20-pahinang petisyon ang Rhema noong Hunyo 21 para makakuha ng status quo ante order mula sa Korte Suprema laban sa SEC advisory na inilabas naman noong Abril, na bumabawi sa registration ng Kapa bilang non-stock corporation.

Nais din ng Rhema na ma-impeach si Pangulong Duterte matapos tawagin ang Kapa bilang investment scam.

Kanila ring pinagbabayad ng P3 billion na danyos sina Pangulong Duterte at SEC Chairman Emilio dahil sa sinapit ng Kapa.

Ayon kay Ridon, malakas ang loob ng Rhema na maghain ng aniya’y “walang kakuwenta-kuwentang” ng reklamo at impeachment proceedings laban kay Pangulong Duterte kahit wala namang batayan.

Iginiit ni Ridon na hindi dapat kilalanin ng husto ng publiko ang Rhema at hindi basta makinig lamang sa mga pakulo nito,.