Kinumpirma ni Ana Jalandoni na totoo ang mga dating usap-usapan lamang na nais na siyang pakasalan ng kasintahan at kapwa artistang si Kit Thompson.
Unang direktang pahayag ito ng sexy actress, 11 araw matapos itong ma-rescue sa isang hotel sa Tagaytay mula sa pambubugbog ng 25-year-old actor.
Sa pagharap sa media kahapon sa isang events place sa Sct. Borromeo St., Quezon City, kasama ni Ana ang kanyang ama at tatlong legal counsels.
Ayon sa baguhang aktres, pareho silang lasing nang mangyari ang insidente habang sila ay naka-check sa hotel kung saan napunta ang kanilang usapan sa takot ni Kit na iwan niya ito.
Dito na aniya naungkat ang tungkol sa pagpapakasal nito noong 2017 sa States pero nauwi agad sa hiwalayan matapos lamang ang isang taon.
“And then, ang next na po niya na tanong sa akin: Iniwan mo yung ex mo, di ba? Di ba, hiniwalayan mo siya? Sabi ko: Oo, ang tagal na ‘yan, 2018 pa ‘yan. Alam mo naman kung ano ang nangyari kung bakit. Tapos, sabi niya: Ako, pag iniwan mo ako, patayin kita. Tapos, sabi niya, ‘Akin ka lang, hindi ka puwedeng mapunta sa iba,” kuwento ni Jalandoni.
Sa kabila ng pagbabanta sa kanyang buhay, tiniyak pa rin nito sa nobyo na mahal niya ito at hindi iiwan.
Sumunod na nangyari ay nakarating daw sa third floor ng hotel si Ana dahil mahina ang signal sa kanilang hotel room at hindi matawagan ang kaibigan nilang nagngangalang “Victoria.”
Nagising umano si Kit at hinanap si Ana sa gwardiya hanggang sa kanyang nadatnan sa third floor na nakaidlip na.
“Akala niya na iiwan ko siya. Kasi, paghiga niya sa akin sa bed, sinampal niya ako ng gising, e. Nagulat ako, na-shock ako. Sabi ko sa kanya: Bakit mo ako sinampal? Sabi niya: Bakit mo ako iniwan? Sabi ko: Hindi ako umalis. Tumatawag ako kay Victoria para sabihin ko sa kanya na nandito tayo sa hotel, lasing tayo,” lahad pa nito.
Sa kabila ng paggiit na hindi sila maghihiwalay, galit na pinagpipilitan pa rin daw ni Kit na iiwan siya nito tulad ng ginawa sa dating asawa.
Nabatid na magbabakasyon sana ang magkasintahan matapos ang matagal na lock-in taping ng aktor.
Sa ngayon ay nabubuhay sa trauma ang newbie sexy actress kung saan tuwing gigising at matutulog ay sumasagi sa isipan nito ang sinapit sa kamay ng celebrity boyfriend.