Hinimok ni Secretary Carlito Galvez Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang mga Pilipino na gawing panahon ng pagpapahinga at pagbabago ang paggunita ng Semana Santa.
Ani Galvez sa kanyang mensahe na nawa’y magsilbing pagkakataon ang Semana Santa para sa kapahingahan at pagbabagong-loob ng bawat Pilipino, anuman ang pananampalataya o katayuan sa buhay.
Binanggit din niya ang panawagan ng Kristiyanong komunidad para sa pagkakaisa, at sinipi ang 2 Corinto 13:11 at nakasulat na “Magsikap kayong magkasundo, magkaroon ng iisang isipan, at mamuhay nang mapayapa. At ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.”
Ayon kay Galvez, ang Semana Santa ay panahon ng panalangin, pag-aayuno, at pagsisisi, kung saan inaalala ng mga Kristiyano ang sakripisyo ni Hesukristo at ang kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.
Hinimok rin niya ang mga mananampalataya na isabuhay ang mga turo ni Kristo, maging huwaran ng pananampalataya, at tumulong sa mga higit na nangangailangan.
Dagdag pa ng kalihim, taos-puso nitong dalangin na mapuno ang ating mga puso ng pag-ibig, kabutihan, at pag-unawa habang tinatahak natin ang landas ni Kristo patungo sa muling pagkabuhay. (Report by Bombo Jai)