-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Upang maiwasan ang hawaan at pagkalat ng COVID-19, ipagpapaliban muna ng City Government of Kidapawan ang pagsasailalim ng lahat ng tricycle driver sa mga seminar.

Matatandaang isa ito sa mga requirements para makapagrenew ng kanilang Permit to Operate ang mga driver at operator ng tricycle.

Nagpalabas ng isang memorandum si Mayor Joseph Evangelista na nag-uutos kay Traffic Management Head Rey Manar na huwag munang gawin ang seminar para manatiling zero case o magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nagpasalamat naman ang mga drivers at operators lalo na ang mga miyembro ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA sa kautusan ng alkalde at pagbibigay prayoridad sa kanilang kaligtasan laban sa nakamamatay na sakit.

Sa halip na seminar ay inspection na lamang ng tricycle ang gagawin uoang malaman kung nasusunod pa nito ang mga polisiya sa pamamasada gaya ng pagkakaroon ng angkop na brake at signal lights, garbage receptacle, malinaw na KD number, kaukulang papeles gaya ng rehistro ng unit, franchise, driver’s license at id ng driver o operator.

Sa buwan ng Enero 2022 na ang renewal ng mga tricycle at lahat ng business establishments sa lungsod.

Dadaan ang lahat ng tricycle sa inspection ng TMU at City Tricycle Franchising and Regulatory Board o CTFRB.