Nagpasalamat si Senador Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda ng Tatak Pinoy o Proudly Filipino Act.
Ayon kay Angara na principal author at sponsor ng batas sa Senado, ang Tatak Pinoy ay makatutulong upang makamit ang mga layunin ng gobyerno sa ilalim ng Philippine Development Plan.
Sa ilalim ng batas aniya ay mapalalakas ang ekonomiya sa pamamagitan nang mas pinalakas na koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ayon sa senador, Makatatanggap ang mga industriya ng kinakailangang suporta para sa pagpapalawak at pag-upgrade ng mga operasyon upang mas maging competitive sa parehong global at domestic markets.
Dagdag pa ni Angara, isa pa sa hangarin ng batas ay ang pataasin ang kita ng mga Pilipino sa Pilipinas kung saan habang tumataas ang kita ng mga negosyo, ay sabay ding umuunlad ang ekonomiya at buhay ng ating mga kababayan.