Lubos na nagpasalamat si Senador Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tiwala na ibinigay nito bilang bagong talagang Kalihim ng Department of Education.
Ayon kay Angara, tinatanggap niya nang may pagpapakumbaba ang responsibilidad na ito na ibinigay sa kanya ng punong ehekutibo.
Bilang bagong Secretary ng DepEd aniya ay nakatuon siya sa pakikipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan kabilang na ang kanyang pinalitan na si Vice President Sara Duterte.
Ito ay upang matiyak aniya na ang bawat Pilipino ay may access sa de-kalidad na edukasyon.
“This significant responsibility is one I accept with humility and a profound sense of duty”
Sec. Juan Edgardo “Sonny” Angara, Department of Education
Naniniwala si Angara na ang edukasyon ang pundasyon ng kinabukasan ng bansa, at ito ay sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap na matugunan ang mga hamon at samantalahin ang mga oportunidad sa hinaharap.
Sabik din aniya siyang makipagtulungan kay Pangulong Marcos at sa buong administrasyon na paglingkuran ang mga mag-aaral, suportahan ang mga guro, at paigtingin ang pangkalahatang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
Si Angara ay nagtapos ng Masters of Law sa Harvard University, nagsilbi bilang senador mula 2013 hanggang sa kasalukuyan, naging kongresista ng Aurora mula 2004 hanggang 2013, at isa sa mga nagsulong ng mga batas sa edukasyon tulad ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, Excellence in Teachers Education Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free College Law, Student Fare Discount Act, K to 12, Open Learning and Distance Education Act, Anti-Bullying Act at marami pang iba.