Makailang-beses na mistulang nagbanggaan sina Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa at Brig Gen. Nicolas Torre III sa isinagawang Senate Inquiry ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Davao City
Sa naging pandinig kasi ay makailang beses na nagsagutan ang dalawa ukol sa nagpapatuloy na pagsisilbi ng pulisya sa arrest warrant ni Apollo Quiboloy, ang founder ng Kingdom of Jesus Christ.
Isa sa mga halimbawa rito ay noong tinangka ni Gen. Torre na sumagot sa ilang presentasyon ng kampo ng Kingdom of Jesus Christ na agad namang pinatigil ni Sen. Bato na tumatayo bilang Chair.
Ilang beses na naulit ang ganitong sitwasyon kung saan iginigiit ni Sen. Bato na ito ay kanyang komite at siya ang magdedesisyon ukol sa usad ng pagdinigl.
Si Gen. Torre ay ang kasalukuyang Regional Director ng Police Regional Office-11 na siyang nangunguna sa pagsisilbi ng warrant laban kay Quiboloy, habang si Sen. Bato ay dating nagsilbi bilang Chief ng PNP.
Si Torre ay miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Tagapaglunsad Class of 1993 habang si Bato ay bahagi ng Philippine Military Academy (PMA) 1986, pitong taon na senior ng Davao Region top cop.