Nanindigan si dating Philippine National Police Chief at Senator Ronald Dela Rosa na hinding-hindi siya tatanggap ng pera na mangagaling sa iligal na paraan.
Ginawa ng heneral ang pahayag, matapos matanong ang kanyang reaksyon ukol sa binitawang pahayag ng Pagcor official na si Gen. Raul Villanueva na may isang dating PNP Chief na nasa ilalim ng payola ng Philippine Offshore Gaming Operator(POGO).
Ang naturang opisyal din aniya ay tumulong upang makatakas ang grupo ni Alice Guo, ang tinangal na alkalde ng Bamban, Tarlac.
Ayon kay Dela Rosa, kahit isang truck ng pera pa ang ibigay sa kanya ay hindi niya ito tatanggapin kung alam niyang galing ito sa krimen o kung may ibang kapalit.
Kaugnay nito ay mistulang nagsermon din ang dating PNP Chief dahil inilabas na ang naturang impormasyon gayong hindi pa ito dumadaan sa validation at isa pa lamang itong paksa sa intelligence community.
Ayon kay Dela Rosa, kawawa ang iba pang PNP Chief na nadadamay sa naturang alegasyon.