Handang magpapugot ng ulo si Sen. Ronald Dela Rosa kapag napatunayang “state sponsored” ang mga mga naitatalang extrajudicial killings (EJK) sa bansa.
Payahag ito Dela Rosa nang tanungin kaugnay sa inilabas na resolusyon ng United Nation Human Rights Council (UNHRC) na iimbestigahan ang mga kaso ng patayan sa bansa lalo na sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
“Kasi gusto nilang palabasin na lahat ito ay state-sponsored. No. I will let my head cut off if this is state-sponsored. Come here and cut my head off if this is state sponsored yung alleged EJKs. You can come down and cut my head if this is state-sponsored. Tapos ang usapan,” wika ni Dela Rosa.
Hamon naman ni Dela Rosa sa UNHRC na patunayan ang 22,000 kaso ng patayan sa bansa, na kuwestiyunable raw ang pinagmulan ng naturang bilang.
Giit ni Dela Rosa, “mini-mislead” lang ang UNHRC ng ilang mga indibidwal na mga ayaw sa pamamalakad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa senador, bukas siya sa gagawing imbestigasyon ng international human rights group pero dapat lawakin ng mga ito ang kanilang pag-iisip.
Pagtitiyak ni Dela Rosa, na itinuturing na ama ng kontrobersyal na “Oplan Tokhang,” wala silang itinatago sa kanilang operasyon.
“Well kung gusto nila wala naman tayo tinatago, tama yan investigate kungbanong gusto nilang malaman para malaman nila na sila pala ay niloloko lang ng mga nagbibigay ng impormasyon sa kanila,” anang senador.
Samantala, nagpasaring din si Dela Rosa na batid nila kung sino ang mga indibidwal na nais siraan ang gobyerno ni Duterte.