Nanghihinayang si dating Philippine National Police chief Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagbasura ng Manila Regional Trial Court sa petisyon ng Department of Justice na nagpapadeklara sa Communist Party of the Philippine-New People’s Army (CPP-NPA) bilang teroristang grupo.
Sabi ni Dela Rosa, iginagalang niya ang desisyon ng korte.
Pero aminado siya na nasasayangan siya dahil kung pumabor sa DOJ petition ang ruling ng korte ay malaki ang pakinabang dito ng pamahalaan laban sa insurgency.
Dapat aniyang aralin ng DOJ ang sunod nitong gagawin, kung maghahain ng motion for reconsideration o iakyat na sa Appelate Court.
Para kay Dela Rosa, wala namang implikasyon ang desisyon sa laban ng pamahalan laban sa NPA dahil tuloy pa rin naman ang operasyon.
Pero aminado siya na kung pumabor naman sa pamahalaan ang desisyon ay mas mapapadali ang trabaho lalo’t maaari ng hulihin ang sino mang miyembro ng CPP-NPA kung nadeklarang terorista ang grupo.
“Di naman nakakaaffect ‘yan. Kung ang desisyon sana ay pumabor, positive ‘yun sa side of the government. Pero kung ang desisyon ay hindi, hindi sila pumayag, ang effect nun is wala. Walang effect yun sa counter insurgency ng gobyerno,” ani Sen. Dela Rosa.