Inamin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na maging siya hindi nakaligtas noon sa hazing habang estudyante pa sa Philippine Military Academy (PMA).
Kwento nito, pinainom siya ng kalahating bote ng patis.
Ayon kay Dela Rosa, mas gugustuhin pa sana niyang bugbugin kaysa sa painumin ng patis dahil isang linggo siyang nahilo.
Sinabi pa ng mambabatas na mas matindi ang pinagdaraanan ng mga estudyante sa PMA noong panahon nila kumpara ngayon dahil maituturing dati na ordinaryo lang ang matamaan ng mga suntok.
Tumanggi naman ang senador na idetalye pa ang ibang pagpapahirap sa kanila dahil baka raw magmukha nang masama ang PMA.
Naniniwala rin si Dela Rosa na hindi kailangan ang hazing at may ibang paraan para magkaroon ng disiplina.
Samantala, pinaghihinayangan din ni Dela Rosa ang pagbibitiw sa puwesto ni PMA Superintendent Lieutenant General Ronnie Evangelista dahil sa insidente ng hazing kung saan namatay si Cadeth 4th Class Darwin Dormitorio.
Kilala umano niya si Evangelista na isang magaling na opisyal na nahawakan ang matitinding assignment sa Philippine Army.