Inamin ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nababahala siya na baka maapektuhan ng umano’y mga scripted at imbento na mga akusasyon ang kaniyang reelection bid sa 2025 midterm elections.
Sa isang panayam ng mga kawani ng media sa Tacloban city nitong gabi ng Biyernes, sinabi ng Senador na stressful para sa kaniya ang mga isyu na nagdadawit sa kaniya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon na iniimbestigahan sa nagpapatuloy na mga pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Sa isinagawa kasing pagdinig ng quad Committee noong Miyerkules, Agosto 28, isiniwalat ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido na si Dela Rosa na nagsilbing PNP chief sa ilalim ng Duterte administration, ang nag-isyu umano ng direktiba para i-nutralisa ang mga drug suspect.
Ayon pa sa Senador, sakaling paniwalaan ng mga tao ang mga kwento, babagsak sila pero umaasa naman ito na hindi papaniwalaan ng mga tao ang mga akusasyon laban sa kaniya at kapag malaman umano ng publiko ang tunay na dahilan, tataas ang kanilang tiyansa na manalo. Kayat gagawin aniya nila ang kanilang makakaya para malaman ng mga botante ang katotohanan.
Nanindigan din ang Senador na hindi siya dadalo sa pagdinig ng quad committee bilang inter-parliamentary courtesy.
Matatandaan na nauna ng nahalal bilang Senador si Dela Rosa noong 2019 midterm elections at target na manalo ng panibagong termino para matiyak na maipasa ang kaniyang isinusulong na PNP Forensic DNA Database bill na naglalayong lumikha ng isang komprehensibong DNA database para mapahusay pa ang forensic capabilities ng PNP na magpapabilis sa pagresolba ng mga kaso at magpapalakas sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.