-- Advertisements --

Muling kinalampag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ukol sa isyu ng panghihimasok ng International Criminal Court (ICC).

Ang pahayag ni Dela Rosa ay kasunod ng mga pahayag ni sen. Antonio Trillanes IV na posibleng isalang ang ilang dating opisyal ng pulisya para sa interview ng ICC prosecutors ukol sa usapin ng extra judicial killings (EJK) noong Duterte administration.

Giit ni Dela Rosa, obligasyon ng pamahalaan na ingatan ang mga mamamayan nito kaysa sa nais mangyari ng mga banyaga.

Para sa mambabatas, may sakuna umanong nagbabadya at ito ay paparating at abot-tanaw na.

Nasa atin aniya ang pagpapasya kung hahayaan itong manalasa at higit pang pinsalain ang ating bayan na ilang dekada nang may pagkakahati-hati dulot ng kulay ng pulitika.

“This is not merely an issue of the ICC against Former President Duterte. This is, in fact, a looming constitutional crisis. Atin bang tatanganan na mahigpit ang ating soberanya? O hahayaan na lamang natin itong dumulas mula sa ating mga kamay? May sakuna po na nagbabadya at ito ay paparating at abot-tanaw. Nasa atin po ang pagpapasya kung hahayaan natin itong manalasa at higit pang pinsalain ang ating bayan na ilang dekada nang may pagkakahati-hati dulot ng kulay ng pulitika.”

Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa

Wala pa namang direktang tugon dito ang Palasyo Malacanang.