Humingi na ng paumanhin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng kaniyang negative remarks ukol sa pagkasawi ng isang tatlong taong gulang na bata sa isang police operation.
Magugunitang umani ng pagbatikos mula sa iba’t-ibang sektor, pati na sa mismong mga kasamahan ni Dela Rosa sa Senado ang naging statement nito tungkol sa collateral damage na kung minsan daw talaga ay nangyayari sa police operation.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ang isang buhay na nawala dahil sa ganitong operasyon ay hindi katanggap-tanggap at hindi rin dapat pangatwiranan.
“Incidents like this should be taken seriously so that corrective measures will be put in place immediately and those responsible must at least be investigated to determine possible lapses or lack of discretion. Nonchalance has no place in this situation,” wika ni Lacson.
Si Lacson ay dating senior officer ni Dela Rosa noong sila ay nasa Philippine National Police (PNP) pa.
Para naman kina Sen. Kiko Pangilinan, Leila de Lima at Risa Hontiveros, dapat na maging maingat sa pananalita ang mga opisyal ng gobyerno dahil may implikasyon ito sa pagpapahalaga sa buhay ng tao.
Paliwanag naman ni Dela Rosa, hindi niya intensyong magdulot ng negatibong kaisipan ang pagtukoy sa collateral damage, pero nagkulang lang daw siya sa “choice of words.”
Pagtitiyak pa ng neophyte senator, dalisay ang kaniyang hangarin sa trabaho, kahit daw buksan pa ang kaniyang puso.