-- Advertisements --

Binatikos ni House Quad Committee co-chairman Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., noong Martes, Enero 21 si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pag-iwas nito sa mga tanong ng komite at sa halip ay paggamit ng media upang ilihis ang atensyon mula sa mahahalagang isyung ipinupukol sa kanya.

Muling iginiit ni Abante na walang kinalaman sa pulitika ang layunin ng komite kundi nakatuon sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan.

Muling binigyang-diin ng mambabatas ang pangako ng komite na tiyakin na makakamit ang katarungan nang naaayon sa tamang proseso at hindi gawing “killing fields” ang buong bansa.

Ipinunto pa ni Abante na sa kabila ng marahas na paraan ng nakaraang administrasyong Duterte ay nanatili pa rin ang problema sa iligal na droga.

Inakusahan din ng kongresista ang ilang law enforcement officials na bigong ipatupad ang batas at sa halip ay naging kasangkalan ng pang-aabuso.

Iginiit pa ni Abante na nanatili ang paninindigan ng Quad Committee sa paghahahanp ng katotohanan at pagtutuwid ng mga kawalang-katarungan.

Sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng komite, nananatiling positibo ang pananaw ni Abante.

Hinimok din ni Abante ang sinumang indibidwal na may alam tungkol sa mga nakaraang pang-aabuso na huwag matakot na magpahayag ng katotohanan.