Mistulang pinangaralan ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa si Davao Region Police director, Gen. Nicolas Torre III ukol sa human rights o karapatang pantao matapos nitong tanungin ang heneral kung hanggang kailan nila balak manatili sa compound ng Kingdom of Jesus Christ.
Sumagot kasi si Gen. Torre na hangga’t hindi nahuhuli si Quiboloy ay ipagpapatuloy nila ang paggalugad sa mga pasilidad.
Dito na uminit si Sen. Bato at iginiit na ang pananatili ng PNP ay hayagang pagtapak sa mga karapatan ng mga miyembro ng KOJC at mga seminarista, estudyante at iba pang bahagi ng JMC.
Tinanong din ni Bato ang heneral kung sa lahat ng ito ay ‘willing’ ang PNP na yurakan dahil lang sa paniniwala na may bunker sa loob at naroon si Apollo Quiboloy.
Pero katwiran naman ni Gen. Torre, ang pagtalikod sa kanilang ginagawang pagsisilbi ng warrant ay mistulang pagtalikod sa mga inosenteng naging biktima ni Quiboloy.
Giit ni Torre, mayroong multiple warrant si Quiboloy, kayat desidido ang PNP na mahuli ang pugante.