-- Advertisements --

Marami ang nasorpresa at nagulat sa biglang paghahain sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Lumalabas na siya pala ang PDP-Laban standard bearer kung saan ang vice-presidential candidate ay si Sen. Bong Go.

“Basta ako I am running to become the next president of the Republic of the Philippines,” mabilis na sambit ni Sen. Dela Rosa.

bato de la rosa coc 1

Matapos na maihain ang kanyang COC sa Comelec tent sa Hotel Sofitel sa Pasay City ay itinaas ang kanyang kamay ni PDP-Laban president at DOE Sec. Alfonso Cusi.

Gayunman agad ding kumalat ang isyu na baka gimik lamang ito at sa huli ay si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pumalit sa kanya bago ang November 15.

Napansin din na ang t-shirt ng senador ay kulay green na sumisimbolo kay Mayor Sara at sa regional party na Hugpong ng Pagbabago.

Sa huli ay nagsuot na rin ito ng jacket na pula.

Paliwanag naman nito na desisyon ng administration party ang paghahain niya ng COC.

Inamin din ni Dela Rosa na pwede ring mag-substitute sa kanya ang presidential daughter sa huli.

“Eh, ‘di mas maganda,” sagot ni Dela Rosa.

Gayunman napikon siya nang matanong na mistulang ginagawa lamang niyang katatawanan ang batas sa substitution o election process.

“Do I look like a mockery to you? I won as a senator number five po ako last election, is that mockery to you? Is it a mockery to 19 million Filipinos who voted for me as a senator of the republic?,” buwelta naman ng senador.