Hinamon ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald Dela Rosa ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na patunayan ang inilabas nilang datos na 22,000 na ang napatay sa war on drugs ng gobyerno.
Sa panayam kay Dela Rosa sa Camp Crame, binigyang-diin nito na “misleading” ang datos na kanilang inilabas.
Dapat i-validate raw sana ito ng UNHRC at huwag makinig sa isang panig lamang.
Sa data kasi ng PNP nasa mahigit 6,000 ang nasawi sa war on drugs simula ng umupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Pumalo naman sa mahigit 270,000 na mga drug suspects ang inaresto.
Hindi naman nagustuhan ni Dela Rosa ang bansag sa kaniya na “the government’s face on war on drugs.”
Depensa ng senador, kung siya ang mukha ng gobyerno sa war on drugs bakit siya binoto ng mga Pilipino bilang senador at nasa ikalimang pwesto pa.
Binigyang-diin din nito na bukas siya gagawing imbestigasyon ng UNHRC.
Ayon sa senador, wala siyang kinatatakutan at walang itinatago ang PNP sa kanilang anti-illegal drug operations.
Naghamon din ito na ipapapugot niya ang kaniyang ulo kung mapatunayan na “state sponsored” ang sinasabing pagkamatay ng mahigit 22,000 sa war on drugs ng pamahalaan.
Hamon pa ni Dela Rosa sa UN, pumunta sila sa Pilipinas at hanapin ang lahat ng sinasabing 22,000 biktima umano ng extrajudicial killing (EJK).
Giit nito, posibleng ang mga namatay sa aksidente, atake sa puso ay isinama sa datos kaya umabot sa 22,000 ang bilang na drug suspects na nasawi.