Nauwi sa sagutan ang pagdinig sa Senado ukol sa panukalang pagpapatupad ng mandatory ROTC.
Nanggagalaiting pinagsabihan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pinuno ng National Union of Students of the Philippines na si Raoul Manuel, dahil sa puna nito sa pahayag ng senador ukol sa second chance na dapat daw ibigay kay convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Giit ni Dela Rosa, nagpakita ng kawalang desiplina si Manuel dahil ipinapasok nito sa ROTC bill hearing ang “out of topic issue” ukol kay Sanchez.
Depensa ng dating BuCor chief, gusto talaga niyang mabitay ang convicted criminal na dating mayor, ngunit wala raw magagawa dahil walang death penalty ngayon sa ating batas.
Kung gusto raw ng aktibistang resource person, samahan siya nito para magkasama nilang bitayin si Sanchez, na nakulong na ng 26 taon dahil sa pagpatay at panggagahasa kay Eileen Sarmenta at pambubugbog at pagpatay naman kay Allan Gomez.