Wala pa umanong natatanggap na pormal na komunikasyon si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Estados Unidos ukol sa ulat na kinansela raw ang kanyang US visa.
Batay kasi sa lumabas na report, hindi na umano makakapunta sa Amerika si Dela Rosa matapos paigtingin ng Washington ang kanilang crackdown kontra sa umano’y mga lumalabag sa karapatang pantao.
Nakasaad din nito na ayon sa isang source, binawi umano ang US visa ni Dela Rosa noong Mayo sa ilalim ng Asia Reassurance Initiative Act, na naglalaan ng $1.5-bilyon sa mga kaalyado ng Amerika sa Indo-Pacific region.
Pero inamin ng senador, hindi pa ito bumabalik muli sa Estados Unidos dahil sa pangambang baka hindi ito papasukin sa nasabing bansa at mapahiya lamang.
Ito rin aniya ang rason kung bakit hindi ito nanood sa boxing match ng kanyang kasamahang si Sen. Manny Pacquiao kontra kay Keith Thurman sa Las Vegas nitong Hulyo.
Matatandaang si Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, ang siyang pangunahing nagmando sa kontrobersyal na war on drugs ng Pangulong Rodrigo Duterte mula Hulyo 2016 hanggang Enero 2018.