-- Advertisements --
SAP BONG GO
Senator-elect Bong Go / FB post

TUGUEGARAO CITY – Ikinagulat umano ng ilang mga gobernador, cabinet secretaries at iba pang bisita sa ginanap na pulong nitong Miyerkules ng gabi sa Malacanang kasama na si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging pahayag ni Sen. Bong Go na magwi-withdraw daw siya sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo.

Sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na ang inakala nila ay ipinatawag sila sa pulong para ipakilala at hingin ang kanilang suporta sa kandidatura ni Go ngunit iba pala ang inihayag ng senador.

Ayon pa sa gobernador, sinabi raw ni Go na malungkot man ang kanyang desisyon ay kailangan niyang gawin ito upang hindi magkaroon ng pagkawatak-watak ng kanilang partido sa halip ay magkaroon ng pagkakaisa para sa iisang hangarin para sa bansa.

Idinagdag pa ni Mamba na ang desisyon umano ni Go ay para hindi mahirapan ang Pangulong Duterte dahil sa pagtakbo rin ng kanyang anak na si Mayor Sara Duterte.

Sinabi pa ni Gov. Mamba na inihayag ng pangulo na bagamat suportado niya si Go sa kanyang kandidatura ay wala siyang magagawa sa kanyang naging desisyon.

Dahil dito, sinabi niya na wala na silang iindorso na kandidato at tutulong na lamang sila sa mga kandidato na hihingin ang kanilang tulong.

“Mangiyak-ngiyak si Bong Go nang aminin sa kanila na naawa siya kay presidente,” ani Mamba sa pahayag sa Bombo Radyo. “Sabi niya I have to back out, para hindi mahirapan si presidente, ayaw ko na nahihirapan siya.”

Inamin nito na pinag-iisipan niyang umatras sa presidential derby dahil ayaw niyang nahihirapan si Pangulong Duterte lalo na’t ito’y matanda na para sa dagdag na problema.

Samantala sa statement ni Go, hindi naman nito itinanggi ang naging deklarasyon ni Gov. Mamba.

Gov Manuel Mamba
Cagayan Gov. Manuel Mamba

Sinabi ni Go, napagtanto nito na kinokontra ng kanyang puso at isipan ang kanyang sariling mga aksyon dahil tao lamang din na nasasaktan at napapagod.

Ayon sa senador, posibleng dahil sadyang napakarumi at mainit lang talaga ang pulitika kung saan hindi siya sanay.

Baka aniya hindi pa niya panahon at handa siyang magsakripisyo para wala ng maipit, masaktan ang mamroblema lalo na si Pangulong Duterte at mga supporters.

Kaya anuman daw ang kanyang magiging desisyon, ipauubaya na nito ang lahat sa Diyos at isaalang-alang kung ano ang makakabuti sa bayan at para sa pagkakaisa ng mga supporters.

Marami naman daw paraan para makatulong sa kapwa at kahit man saan ipadpad ng tadhana, tuloy pa rin ang pagseserbisyo.

“In the past few days po, I realized that my heart and mind are contradicting my own actions,” bahagi pa ng statement ni Sen. Go. “Having said this, I leave my fate to God and the Filipino people as I vow to do my best every day to serve selflessly and tirelessly.”