Iginiit ni Senator Bong Go, na wala siyang partisipasyon o maging ang kaniyang opisina sa operasyon ng war on drugs noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos madawit ang pangalan ni Go sa mga rebelasyon ni retired Police Colonel at dating PCSO general manager Royina Garma sa House Quad Committee.
Sa isinumiteng affidavit ni Garma, sinabi nitong inatasan ni EX-PRRD si Police Colonel Edilberto Leonardo na bumuo ng specialized task force kaugnay ng kampanya kontra droga noon na umano’y nagresulta sa extra judicial killings. Matapos umano gumawa ng proposal si Leonardo, ay isinumite raw ito kay Duterte sa pamamagitan ni Senator Bong Go.
Pero sa pahayag ng Senador, pinabulaanan niya ang mga akusasyon. Aniya, bilang Special Assistant ng Presidente noon, ang trabaho niya lang ay mag-schedule ng appointments, at presidential engagements. Hindi raw kasama sa mandato niya ang police operations kaya hindi siya nakikialam dito. Kasunod nito, nilinaw din ni Go na hindi siya humahawak ng pera sa opisina noon ng dating Pangulo dahil hindi rin ito parte ng kaniyang tungkulin.
Samantala, nilinaw din ng senador na walang reward system na iniimplementa noon kapalit ng buhay ng sinuman.
Ayon kay Go, nakakadismaya na hinahaluan na ng pulitika ngayon ang mga imbestigasyon, at binabalewala na ang pagsisikap ng nakaraang administrasyon na linisin ang bansa laban sa kriminalidad at droga.