Pormal nang naghain ngayon ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Sen. Bong Go upang tumakbo sa pagka-bise presidente.
Pasado alas-3:00 ng hapon nang magtungo sa Harbor Tent ng Comelec sa Sofitel Hotel sa Pasay City si Go kasama ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Marami ang nasorpresa sa hakbang ni Go at palaisipan ngayon kung sino naman ang kanyang magiging standard bearer.
Kung maalala kamakailan lamang ay tinanggihan ni Go ang pag-indorso sa kanya ng PDP-Laban party na siya ang tumakbo sa pagka-presidente.
Samantala, nagbigay naman ng maikling pahayag ang pangulo at sinabing hindi na siya tatakbo at susundin niya ang sentiyemento ng mamamayan na baka paglabag daw sa batas na siya ay kakandidato rin sa pagka-bise presidente.
Ayaw din daw niyang maakusahan na “pinapaikutan” ang batas.
Idineklara ng Pangulong Duterte na magreretiro na lamang siya sa politika.
“I would like to address myself to the entire nation. The universal sentiment of the Filipino as reflected on surveys on many forums and caucuses, and meetings to discuss what I should do in my life. The overwhelming sentiment of the Filipinos is I’m not qualified, it would be a violation of the Constitution, to circumvent the law, the spirit of the Constitution,” ani Duterte sa maikling pahayag matapos itaas ang kamay ng kanyang long time close aide.
Samantala, umugong din naman isyu na maghahain daw nang kanyang COC si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa Comelec nang makita ang ilang mga supporters ng alkalde sa CCP Complex na nakasuot ng damit na may larawan na nag-iindorso sa kanya sa pagka-presidente.