Tinawag ni Senator Bong Go na isang malinaw na diversionary tactics ang affidavit at statements ni dating PCSO General Manager at dating Cebu city Chief of Police Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee nitong Biyernes, Oktubre 11 para ilihis ang tunay na isyung kaniyang kinakaharap, ang kaniyang naging partisipasyon sa umano’y pagpatay kay PCSO board member Wesley Barayuga.
Giit ng Senador na walang lugar ang malisyoso at walang pruwebang mga pahayag sa anumang credible investigation.
Kaugnay nito, mariing hinimok ng Senador ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng impartial investigation sa mga alegasyon ni Garma.
“Palagi kong sinasabi, karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan. Doon lang sana tayo sa totoo at tama. Kilala n’yo po ako. Mas gusto kong magtrabaho at magserbisyo lamang sa kapwa ko Pilipino pero kung sariling pangalan ko na ang nadudungisan, hindi ako papayag dyan” saad pa ni Sen. Go.
Ginawa ng Senador ang naturang pahayag matapos direktang tinukoy ni Garma sa kaniyang affidavit sina former President Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go sa pag-orchestrate ng cash reward system sa extrajudicial killings (EJKs) ng drug suspects sa ilalim ng kaniyang termino.