Dinipensahan ni Senator Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa pagtatalaga nito ng mga natalong kandidato sa nakalipas na halalan sa posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Senador, sa ilalim ng kasalukuyang political system, hindi pinagbabawalan ang Pangulo ng Pilipinas mula sa pagtatalaga ng mga natalong kandidato noong May 2022 elections sa pangunahing posisyon sa pamahalaan.
Ipinunto pa ng mambabatas na walang iligal na ginagawa ang Pangulo kung itatalaga niya ang mga nakasama niyang kumandidato na magagaling din naman dahil wala namang ganitong nakasaad sa batas.
Pero sakali man aniya na mapili ng Pangulo na maitalaga sa kaniyang gabinete o mataas na posisyon sa gobyerno ay dapat na hindi gamitin ng kasikatan nito sa pagtakbo sa nalalapit na halalan.
Ginawa ng mambabatas ang naturang pahayag matapso na umapela si Cagayan de Oro 2nd district Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na huwag i-recycle ang mga natalong kandidato sa kaniyang gabinete matapos magpaso ang isang taong appointment ban sa mga election candidates.
Sa pagpaso kasi ng appointment ban, nangangahulugan na maaari ng magtalaga ang Pangulo ng mga hindi nanalo mula sa nakalipas na halalan sa posisyon sa gobyerno ito man ay posisyon sa Gabinete o mas mababa dito.
Ang mga Cabinet officials kasi ang tinaguriang alter egos ng Pangulo ng bansa.