Hindi napigilang maasar ni Senator Cynthia Villar sa isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa isyu ng reclamation project sa Cavite.
Giit ng senadora matagal na raw siyang tumututol sa reclamation project dahil sa posibleng idudulot nito na pagbaha.
Si Villar ang nanguna sa pagdinig sa proposed P23-billion budget ng DENR para taong 2023.
Sinasabing nairita ang senadora nang mabigo si Environmental Management Bureau (EMB) Director William Cuñado na tukuyin kung anong mga lugar sa Cavite ang masasakop ng naturang proyekto.
Dito napamura si Villar dahil daw sa kanyang pagkakaalam sinabihan daw siya ng mga lokal na opisyal sa Bacoor, Cavite na hindi naman itutuloy ang project.
Sa pagtatanong pa ni Villar tanging nasabi ni Director Cuñado ay aabot daw sa 846 hectares ang proyekto na wala namang detalye.
“Ako huwag niyong gagawin sa akin ‘yan “…ina” niyo. Dumating ka dito galing ka sa Cebu ginulo mo kaming lahat. Ilista mo sa akin ano ‘yang coastal road na ‘yan hindi namin alam ‘yan,” giit pa ni Sen. Villar.
May hinala rin ang mambabatas na chairperson din ng Senate Committee on Environment and Natural Resources na posibleng may kinalaman ang korapsiyon kung bakit itutuloy ang proyekto.
Ayon sa senador ang Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa naturang project ay kinansela na pero bakit daw muling binubuhay.
Samantala, nangako naman si DENR Secretary Ma. Antonia Yulo Loyzaga na sa ilalim ng bago niyang administrasyon ay kanilang ire-review ang mga reclamation policies dahil sa naturang mga usapin.