Ikinokonsidera na umanong suspek sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration sina Senator Ronald ‘Bato” Dela Rosa at 4 na dating opisyal ng Philippine National Police.
Ito ang ibinunyag ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa kaniyang X account kung saan ibinahagi niya ang kopiya ng isang order mula umano sa Office of the Prosecutor ng ICC.
Maliban kay Sen. Dela Rosa, pinangalanan rin sa naturang dokumento sina dating PNP chief Oscar Albayalde, dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Romeo Caramat Jr., dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP Intelligence Officer Eleazar Mata.
Nakasaad sa naturang order na mayroong makatwirang basehan ang Office of the Prosecutor para paniwalaan na ang nasabing mga retirado at nagsilbing miyembro ng PNP ay nakagawa ng krimen sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Office of the Prosecutor.
Samantala, sa panig naman ng Office of the Prosecutor Public Information Unit, sinabi nitong hindi magbibigay ng komento ang kanilang tanggapan sa anumang pahayag mula sa gobyerno o iba pang state representatives.
Una ng sinabi ng kampo ni Trillanes na galing ang dokumento mula sa sources na nakakaalam sa imbestigasyon ng ICC.
Una rito, base sa rekord ng gobyerno, umaabot sa 6,200 drug individuals ang napatay sa kasagsagan ng operasyon ng kapulisan kontra sa ilegal na droga na ayon sa Human Rights organizations ay maaaring mas mataas pa o nasa 30,000 ang nasawi dahil sa mga hindi naiulat na insidente ng pagpatay sa drug war.